Biyernes, Pebrero 22, 2013

EDSA

Ang Epifanio de los Santos Avenue o EDSA ay ang pangunahing  kalye sa Kalakhang Maynila. Ito ang pinakamahabang kalye, na may haba na 54 na kilometro. Ang EDSA ay bumabagtas sa anim na lungsod sa NCR: Caloocan, Quezon City, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay.  Magsisimula ang EDSA mula sa Monumento ni Andres Bonifacio sa lungsod ng Caloocan hanggang SM Mall of Asia sa lungsod ng Pasay.  Sakop din ito ng Circumferential Road 4 o C-4 Road, kung saan nagsisilbi itong ika-apat na beltway ng lungsod ng Maynila. Pero ito rin ang pinakamagulong kalye sa Metro Manila, paano ba naman kasi, halos dalawang milyong sasakyan ang dumadaan dito araw-araw. Iba sa sitwasyon ng EDSA ilang dekada na ang nakaraan.

Nagsimula ang paggawa sa naturang daan noong dekada '30, na pinamunuan nina Florencio Moreno at Osmundo Monsod. Kilala ito dati bilang North-South Circumferential Road. Natapos ang paggawa nito noong 1940. Nagsisimula noon ang daanang ito mula sa North Diversion Road na kasalukuyan ngayong North Luzon Expressway hanngang sa kasalukuyan ngayong Magallanes Interchange kasama ang bahagi ng South Luzon Expressway.  Pagkatapos ng World War II, noong 1946, pinalitan ang pangalan ng daan, at naging Avenida 19 de Junio (June 19 Avenue), hango sa kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Noong dekada '50, pinangalanan ulit ito at tinawag na Highway 54 dahil tinatayang 54 na kilometro ang haba  na daan na ito. Gusto ng mga Rizalista o ang mga tagasunod ni Dr. Jose Rizal na panatilihin ito sa Avenida 19 de Junio ang pangalan, samantalang gusto naman ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na isunod sa pangalan ni Rizal ang pangalan ng kalye. Pero gusto ng mga residente ng lalawigan ng Rizal na isunod ang pangalan ng kalye sa kababayan nilang historyador na si Epifanio de los Santos (nasa larawan). Gayunpaman, sinuportahan ng iba't ibang ahensiyang pangkasaysayan sa pamumuno ng mga kapwa niya taga-Rizal na sina Eulogio Rodriguez, Sr. at Juan Sumulong na gawing Epifanio de los Santos Avenue ang dating Highway 54. Noong April 7, 1959, sa kaarawan mismo ng historyador, sa bisa ng Batas Republika Blg. 2140, isinunod nga ang pangalan niya sa pangalan ng kalye.

Noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, sinimulang itayo ang mga interchanges sa magkabilang dulo ng kalye, ang Balintawak Cloverleaf at ang magallanes Interchange, dahil nagsisimula nang sumikip ang daloy ng trapiko noong panahon na iyon. Noong 1965, para mabuo ang C-4 system, dinugtungan pa ang dulo ng EDSA hanggang Taft Avenue, at kinalaunan, hanggang Roxas Boulevard, mula sa orihinal na hanggang South Luzon Expressway. Sa hilaga naman, dinugtungan pa ang kalye hanggang sa Monumento ni Bonifacio sa Caloocan mula sa Balintawak na orihinal na dulo nito sa hilaga.

Naging saksi ang EDSA sa dalawang makasaysayang pangyayari dito sa Pilipinas. Una ay ang People Power Revolution noong 1986; sa pamumuno ni dating Pangulong Corazon Aquino,nagsama-sama ang mahigit dalawang milyong sibilyan kasama ang mga sundalo sa pamumuno ni noo'y Defense Minister Juan Ponce Enrile, mga pulitiko, at mga religious groups sa pamumuno naman ni datin Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin. Napuno ang kahabaan ng EDSA-Boni Serrano Avenue at EDSA-Santolan, kung saan matatagpuan ang Camp Aguinaldo at Camp Crame, ng mga demonstrador para patalsikin sa pwesto si dating Pangulong Marcos. At ang isa ay ang People Power II o EDSA Dos noong 2001, kung saan milyung-milyong demonstrador ang nagsama-sama sa EDSA Shrine para pababain naman sa pwesto si dating Pangulong Joseph Estrada, na noo'y sangkot sa jueteng scandal.

Noong 1989, itinayo ang EDSA Shrine sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan naganap ang People Power Revolution at ang EDSA Dos. Itinayo naman sa kanto ng EDSA at White Plains Avenue ang People Power Monument noong 1993 na likha ni Eduardo Castrillo.

Noong 1997, sinimulang itayo ang Manila Metro Rail Transit System o mas kilala bilang MRT-3. Bumabagtas ito sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Natapos ito at binuksan sa publiko noong 1999.

Noong 2006, dinugtungan pa ang dulo ng kalye hanggang SM Mall of Asia sa mismong Globe Rotonda mula Roxas Boulevard na dating dulo nito.

At noong 2010, dinagdagan pa ng dalawa pang istasyon ang LRT-1, sa Roosevelt (kaliwa) at Balintawak (kanan). Tinatayang sa taong 2015 bubuksan ang bagong istasyon ng LRT-1, ang Malvar Station.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento