Martes, Pebrero 26, 2013

Philippine-American War


Ang Philippine-American War ay isang serye na bumago sa takbo ng kasaysayan dito sa Pilipinas. Isa rin ito sa mga naging hudyat ng pagwawakas ng 333 taong pananakop ng Espanya sa Pilipinas matapos ang nangyaring labanan sa Manila Bay sa pagitan ng Espanya at Amerika noong May 25, 1898.

Biyernes, Pebrero 22, 2013

EDSA

Ang Epifanio de los Santos Avenue o EDSA ay ang pangunahing  kalye sa Kalakhang Maynila. Ito ang pinakamahabang kalye, na may haba na 54 na kilometro. Ang EDSA ay bumabagtas sa anim na lungsod sa NCR: Caloocan, Quezon City, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay.  Magsisimula ang EDSA mula sa Monumento ni Andres Bonifacio sa lungsod ng Caloocan hanggang SM Mall of Asia sa lungsod ng Pasay.  Sakop din ito ng Circumferential Road 4 o C-4 Road, kung saan nagsisilbi itong ika-apat na beltway ng lungsod ng Maynila. Pero ito rin ang pinakamagulong kalye sa Metro Manila, paano ba naman kasi, halos dalawang milyong sasakyan ang dumadaan dito araw-araw. Iba sa sitwasyon ng EDSA ilang dekada na ang nakaraan.

Nagsimula ang paggawa sa naturang daan noong dekada '30, na pinamunuan nina Florencio Moreno at Osmundo Monsod. Kilala ito dati bilang North-South Circumferential Road. Natapos ang paggawa nito noong 1940. Nagsisimula noon ang daanang ito mula sa North Diversion Road na kasalukuyan ngayong North Luzon Expressway hanngang sa kasalukuyan ngayong Magallanes Interchange kasama ang bahagi ng South Luzon Expressway.  Pagkatapos ng World War II, noong 1946, pinalitan ang pangalan ng daan, at naging Avenida 19 de Junio (June 19 Avenue), hango sa kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Noong dekada '50, pinangalanan ulit ito at tinawag na Highway 54 dahil tinatayang 54 na kilometro ang haba  na daan na ito. Gusto ng mga Rizalista o ang mga tagasunod ni Dr. Jose Rizal na panatilihin ito sa Avenida 19 de Junio ang pangalan, samantalang gusto naman ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na isunod sa pangalan ni Rizal ang pangalan ng kalye. Pero gusto ng mga residente ng lalawigan ng Rizal na isunod ang pangalan ng kalye sa kababayan nilang historyador na si Epifanio de los Santos (nasa larawan). Gayunpaman, sinuportahan ng iba't ibang ahensiyang pangkasaysayan sa pamumuno ng mga kapwa niya taga-Rizal na sina Eulogio Rodriguez, Sr. at Juan Sumulong na gawing Epifanio de los Santos Avenue ang dating Highway 54. Noong April 7, 1959, sa kaarawan mismo ng historyador, sa bisa ng Batas Republika Blg. 2140, isinunod nga ang pangalan niya sa pangalan ng kalye.

Noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, sinimulang itayo ang mga interchanges sa magkabilang dulo ng kalye, ang Balintawak Cloverleaf at ang magallanes Interchange, dahil nagsisimula nang sumikip ang daloy ng trapiko noong panahon na iyon. Noong 1965, para mabuo ang C-4 system, dinugtungan pa ang dulo ng EDSA hanggang Taft Avenue, at kinalaunan, hanggang Roxas Boulevard, mula sa orihinal na hanggang South Luzon Expressway. Sa hilaga naman, dinugtungan pa ang kalye hanggang sa Monumento ni Bonifacio sa Caloocan mula sa Balintawak na orihinal na dulo nito sa hilaga.

Naging saksi ang EDSA sa dalawang makasaysayang pangyayari dito sa Pilipinas. Una ay ang People Power Revolution noong 1986; sa pamumuno ni dating Pangulong Corazon Aquino,nagsama-sama ang mahigit dalawang milyong sibilyan kasama ang mga sundalo sa pamumuno ni noo'y Defense Minister Juan Ponce Enrile, mga pulitiko, at mga religious groups sa pamumuno naman ni datin Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin. Napuno ang kahabaan ng EDSA-Boni Serrano Avenue at EDSA-Santolan, kung saan matatagpuan ang Camp Aguinaldo at Camp Crame, ng mga demonstrador para patalsikin sa pwesto si dating Pangulong Marcos. At ang isa ay ang People Power II o EDSA Dos noong 2001, kung saan milyung-milyong demonstrador ang nagsama-sama sa EDSA Shrine para pababain naman sa pwesto si dating Pangulong Joseph Estrada, na noo'y sangkot sa jueteng scandal.

Noong 1989, itinayo ang EDSA Shrine sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan naganap ang People Power Revolution at ang EDSA Dos. Itinayo naman sa kanto ng EDSA at White Plains Avenue ang People Power Monument noong 1993 na likha ni Eduardo Castrillo.

Noong 1997, sinimulang itayo ang Manila Metro Rail Transit System o mas kilala bilang MRT-3. Bumabagtas ito sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Natapos ito at binuksan sa publiko noong 1999.

Noong 2006, dinugtungan pa ang dulo ng kalye hanggang SM Mall of Asia sa mismong Globe Rotonda mula Roxas Boulevard na dating dulo nito.

At noong 2010, dinagdagan pa ng dalawa pang istasyon ang LRT-1, sa Roosevelt (kaliwa) at Balintawak (kanan). Tinatayang sa taong 2015 bubuksan ang bagong istasyon ng LRT-1, ang Malvar Station.

Miyerkules, Pebrero 20, 2013

Gomburza




          February 17, 1872, ito ang petsang gumising at lalong nagpa-alab ng damdamin ng bawat Pilipino. Ito ay nang bitayin ang tatlong Pilipinong paring martir na kilala sa tawag na “GOMBURZA”, pinagsama-samang mga apeylido nina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora. Ngunit sino nga ba sila bago sila bitayin? Kilalanin natin ang bawat isa sa kanila.

          Isinilang sa Sta. Cruz, Maynila noong August 2, 1799 si Padre Mariano Gomez (nasa larawan), ang pianakamatanda sa tatlong paring martir. Anak siya nina Francisco Gomez at Martina Custodio. Kumuha siya ng kursong Theology sa University of Sto. Tomas at natapos niya ito. Inordinahan siya bilang pari sa Parokya ng Bacoor, Cavite noong 1824, kung saan siya ang naging kura-parokong halos 48 taon. Dito niya ibinaling ang kanyang mahahalagang sandali sa pagpapabuti ng edukasyon ng mga bata sa parokyang kanyang kinasasakupan. Pinaunlad din niya ang agrikultura at industriya kanyang lugar. Kilala siya sa pagiging aktibo sa mga gawaing pangkomunidad. Ipinaglaban din niya ang karapatan ng mga kapwa niyang paring Pilipino laban sa sekularisasyon ng mga prayleng Kastila. Ang sekularisasyon ay ang diskriminasyon ng mga prayleng Kastila laban sa mga paring Pilipino. Itinatag niya ang pahayagang La Verdad kung saan dito niya inilahad ang mga ginagawang pang-aabuso ng mga prayle. Dahil sa kanyang pambabatikos sa mga ginagawa ng mga prayle, itinuring siya ng pamahalaang Kastila na isang filibustero.
          Tubong Vigan, Ilocos Sur, isinilang noong February 9, 1837 si Padre Jose Burgos (nasa larawan), ang pinakabata sa tatlong paring martir. Anak siya nina Jose Burgos, isang tenyenteng Kastila, at Florencia Garcia, isang Pilipina. Una niyang naging guro ang aknyang ina kung saan siya unang natutong bumasa at sumulat. Nagtapos siya ng elementarya sa Vigan noong 1849. Nang mamatay ang kanyang ama, lumuwas siya ng Maynila at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran kung saan  nagtapos siya ng Batsilyer en Atres (Bachelor of Arts). Tinapos din niya ang kursong Teolohiya sa University of Sto. Tomas, kung saan doon din nag-aral si Padre Gomez. Inordinahan siya bilang pari noong 1864 at itinalaga siya bilang pari sa Manila Cathedral. Kilala siya sa kanyang pagtatanggol sa mga karapatan ng mga paring Pilipino matapos siyang tumutol sa panukalang sapilitang pagpapaalis sa mga paring Pilipino na naglilingkod bilang kura-paroko at papalitin ng mga paring Heswita mula sa Espanya. Dahil dito’y isinulat niya ang Manifesto na nalathala sa pahayagang La Verdad kung saan inilahad niya kung bakit dapat manatili pa rin sa mga paring Pilipino ang pamamahala sa mga parokya. Dahil sa kanyang pagtatanggol, tinagurian siyang “Kampeon para sa mga Karapatan ng mga Pilipinong Pari” na siyang ikinagalit ng mga Kastila, lalo na ng mga prayle.

Isinilang naman sa Pandacan, Maynila noong August 14, 1835 si Padre Jacinto Zamora (nasa larawan). Anak naman siya nina Venancio Zamora at Hilaria del Rosario. Nag-aral at nagtapos siya ng elementarya sa Pandacan. Nagtapos din siya ng Batsilyer en Artes sa Colegio de san Juan de Letran kung saan doon din nag-aral si Padre Burgos. Tinapos din niya ang kursong Teolohiya sa University of Sto. Tomas kung saan nag-aral din doon sina Padre Gomez at Padre Burgos. Naging kura-paroko siya sa Marikina. Pagkatapos ay lumipat siya sa Pasig, pero naalis din siya sa kanyang pwesto dahil sa kanyang sariling mga kuru-kuro kung kaya’t hindi naging maganda ang ugnayan niya sa mga prayleng Kastila. Nalipat siya sa Manila Cathedral kung saan nakilala niya si Padre Burgos. Nakilala niya si Padre Gomez na naghikayat sa kanya na sumali sa Comite Reformado na itinatag ni padre Gomez. Layon nitong ipaglaban ang karapatan ng mga paring Pilipino laban sa pang-aabuso ng mga prayleng Kastila.

Ngunit nang sumiklab ang pag-aalsa ng mahigit sa 200 manggagawang paring Pilipino sa Cavite noong January 20, 1872, na pinamunuan ni Sarhento La Madrid, ipinaaresto ang tatlong paring martir dahil sila ang itinuturo ng mga prayle na nagpasimuno sng nasabing himagsikan. Ikinulong silang tatlo sa Fort Santiago. Noong February 15, 1872, ibinaba ni Gobernador Rafael de Izquierdo ang hatol sa tatlong pari; at ang hatol, sila ay pinaparusahan ng kamatayan.

Ngunit bago bitayin, hiniling muna ni Gobernador de Izquierdo kay Archbishop Meliton Martinez na alisan ng abito si padre Mariano Gomez, pero tinutulan ito banding huli. Samantala, humingi muna ng patawad ang berdugong bibitay sa tatlo kay Padre Jose Burgos, at sinabi naman ni Padre Burgos na pinapatawad na niya ang berdugo dahuil nalalaman niya na ginagawa lamang ng berdugo ang kanyang tungkulin. Si Padre Jacinto Zamora naman ay nadakip dahil lamang sa paanyaya sa kanya na makipaglaro sa kanya ng baraha sa kumbento ng Sampaloc, Maynila noong araw kung kalian naganap ang himagsikan sa Cavite. Siya ay walang-awang pinahirapan bago bitayin.


Noong February 17, 1872, dito na isinagawa ang pagbitay sa tatlong pari. Sa pamamagitan ng garrote, isang gamit-pangbitay na ginagamit sa mga hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagsakal sa leeg, binitay ang tatlong paring martir sa Bagumbayan, na ngayon ay Luneta na. Si Padre Gomez ay 72 taong gulang samantalang 35 taong gulang naman si Padre Burgos habang 37 taong gulang naman si Padre Zamora nang sila ay bitayin sa pamamagitan ng garote. Inilibing silang tatlo sa Paco Cemetery sa Maynila.